Isang maikling kwento na pinamagatang “Marisol” na nangangahulugang “Sunflower” sa ingles. Ang ilan sa mga sinisimbolo ng Marisol ay ang kalakasan, pagasa, pagbabago, at pagsulong. Sa kwentong ito, Si Monette Alcantara ay katulad ng isang Marisol para sa kababaihan dahil sa pag-unlad ng kanyang pagkatao sa kwento. Nais bigyang diin nito na nararapat lang na pantay-pantay ang papel na ginagampanan ng kababaihan at kalalakihan sa ating lipunan. Lahat tayo ay may kakayahan na tuparin ang ating mga pangarap. Lahat tayo ay may karapatan na pahalagahan katulad ng mga kalalakihan. Lahat tayo ay may responsibilidad sa pagwasak ng mga pamantayan pagdating sa mga kaugalian na itinuturing katanggap-tanggap ng pangkalahatan batay sa kasarian ng isang tao. Halina’t lumaban tayo. Abante, Babae!
Ako ay si Monette Alcantara. Nakatira ako sa lungsod ng Maynila kasama ang aking pamilya. Lima kaming lahat. Si tatay, nanay, kuya Lance, ako, at si Agustin, ang lalaking bunso. Ako lamang ang nag-iisang babae sa aming tatlong magkakapatid.
Noong bata pa lamang ako, tuwing ako ay lumalabas upang makipaglaro kasama ang aming mga kapitbahay o magpaturo kung paano maglaro ng mga “video games,” lagi akong pinagsasabihan ng aking mga magulang na dapat ay naglalaro raw ako ng mga manika, bahay-bahayan, o lutu-lutuan. “Kababae mong tao, laro ka nang laro sa labas,” sabi nila. Ako rin ay isang masayahing babae, kaya malakas talaga ako tumawa. Dahil dito, palagi nila akong pinagsasabihan. “Babae ka, pero hindi ka naman mahinhin. Siguradong rinig na rinig ang iyong paghalakhak sa ibang lupalop ng daigdig. Baguhin mo nga iyang mga kilos mo, anak! Nakakahiya sa iba, baka sabihin pa nila na hindi ka namin tinuturuan nang maayos!” Sabi ko sa kanila, “Bakit si kuya Lance at si Agustin laging naglalaro sa labas...sobrang kulit pa at tumatawa nang malakas, ngunit hindi niyo po sila pinagsasabihan? Samantalang ako, walang-tigil ang inyong pag sermon sa akin?” Ito ang kanilang sinagot sa akin. “Simpleng dahil mga lalaki sila, anak. Maiintindihan mo rin paglaki mo.” Dahil dito, lumaki akong naniniwala na mas malaya at masaya siguro ang pagiging isang lalaki.
Paglaki ko naman napansin ko na iba pa rin ang pagtrato sa akin ng aking mga magulang. Mula sa paghuhugas ng mga plato, pagtulong sa kusina, pagluluto, paglalaba, pag-aalaga kay Agustin, pag-aayos nga mga damit at mga gamit, at hanggang sa iba pang mga gawaing-bahay sa akin inuutos halos lahat. Hindi na lang ako nagrereklamo dahil alam ko naman na malaki na ang isinasakripisyo ng aming mga magulang para sa amin, at sila’y kumakayod at nagsusumikap na magtrabaho upang maitaguyod ang buong pamilya.
Isang beses, ipinag-tipon kaming lahat nila nanay at tatay. Tinanong nila kaming tatlo kung ano ang mga pangarap namin sa buhay, at kung ano ang gusto naming maging trabaho sa hinaharap. Sinabi nila kuya Lance at Agustin na gusto nila maging punong ehekutibong opisyal o “CEO” ng magiging kumpanya nila. Sinabi ko rin na pangarap ko talaga iyon! Noong narinig nila ito, nagulat ang buong pamilya ko. “Ikaw? Gusto mo maging “CEO?” HAHAHAHA! Eh mga lalaki lang ang madalas na nagiging matagumpay sa larangan ng negosyo. Baka mahirapan ka lang. Magpakasal ka na lang sa lalaking “CEO” para yumaman ka rin!” Sabi nilang lahat.
Sa sobrang galit ko, ako ay humagulgol. Napuno ako dahil sa kultura rito sa aming bahay, at sa pagtrato sa akin ng aking mga magulang. Kaya sinabi ko sa kanilang lahat, “Pagod na po ako maging babae. Pagod na po ako sa pagtrato ninyong lahat sa akin, nay at tay. Simula pa lang po noong bata ako hindi ko na magawa lahat ng gusto kong gawin at magpakasaya lang bilang isang bata. Mas mabilis pa akong nag-mature kumpara kay kuya Lance at kay Agustin, dahil ang dami niyo pong mga responsibilidad na ibinigay sa akin. Lahat din po ng gawaing bahay, halos ako rin po gumagawa kahit naglalaro lang naman sa kompyuter silang dalawa. Tapos ako rin po lagi nag-aalaga kay Agustin. Ayoko po sanang magreklamo o maging mawalang-galang, pero hindi po talaga kasi ito makatarungan para sa akin. Nasayang ang aking pagkabata. Nagpapasalamat naman po ako sa inyo kasi alam ko na magagamit ko lahat ng ito paglaki ko at unti-unti kong malalaman kung gaano kahirap ang buhay. Ngunit, parang ako na po ang panganay sa aming tatlo. Sana naman po ay patas ang pagtrato ninyo sa aming lahat, para lumaki kami lahat nang maayos.” Pagkatapos ko ito sabihin napatulala ako at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Tumakbo agad ako sa aking kwarto. Pinuntahan ako nila nay at tay pagkatapos at sinabi, “Paumanhin, anak. Pagpasensyahan mo na kami ha? Hindi namin naisip ang nararamdaman mo. Ngayon alam na namin, kaya pagsasabihan na lang namin ang kuya Lance mo at si Agustin.”
Simula noon ay nagbago na ang kultura sa aming bahay. Pantay-pantay na ang trabaho at responsibilidad na ibinibagay sa amin. Ngunit, alam ko na hindi pa rin sila naniniwala na kaya ko maging “CEO” at gusto nila na magpakasal na lang ako sa isang lalaking “CEO.” Dahil dito, nagtiyaga, nag-aral, at nagpakadalubhasa ako sa larangan ng pagnenegosyo para mapatunayan ko sa kanila at sa aking sarili na hindi ko kailangan ng lalaking “CEO” at kaya ko maging “CEO” kahit na ako ay nasa isang patriyarkal na lipunan.
Naging matagumpay ako sa huli. Ngayon, ako ay isang “CEO” ng sarili kong kumpanya. Nagbibigay ako ng pantay na sweldo sa mga babae at lalaki na mga empleyado ko. Si Agustin din ay isang “CEO” na ngayon. Ngunit, hindi ipinagpatuloy ni kuya Lance ang pagiging “CEO” sapagkat mas gusto niya raw ang pagiging isang guro. Natutunan ko sa aking mga naranasan sa mga nakalipas na taon na hindi porket lalaki ka, magiging mas matagumpay ka na kaagad bilang isang negosyante o pinuno. Nasa tao naman yan, sa kanilang pagpupunyagi at pagsisikap - kaya masaya ako na hindi ako natakot na abutin ang aking pangarap! Naniniwala ako na lahat makakayang abutin basta itatak sa sariling puso’t isipan.
Isinulat ni Marian Mae Althea S. Quebral
Comments