Ang naging inspirasyon para sa tulang ito ay ang babaeng si Maria Clara na isang pangunahing tauhan sa El Filibusterismo at Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Siya ay kumakatawan sa mga kababaihan noong panahon ng Kastila at nagsilbing modelo para sa karamihan. Ang kanyang mga katangian ay patuloy na hinahangaan ng ilang mga Pilipino sa lipunan ngayon. Marami pa rin ang nagnanais maging isang Maria Clara kahit hindi ito ang pagkaka-itsura at pagkaka-ugali ng isang Pilipina sa kasalukuyang panahon. Nais ipahatid ng mga manunulat ng tula na nagbago na ang panahon gayundin ang pamantayan ng pagiging ganap na Pilipina.
Ako raw ay isang Maria Clara,
Na may busilak na kalooban.
Mahinhin na dalaga;
Imahe ng ubod na kabutihan.
Marahil narinig ko naang mga papuri,
Mula sa kanilang matatamis na salita.
Sinabihan akong mahinhin, maputi, maganda.
Ngunit, ang katauhan ko ay higit sa makikita ng mata.
Minaliit at minura.
Sinutsot sa daan, binatikos sa tahanan.
Ipinakasal sa taong hindi mahal,
Basta’t mapunta na lang sa mayaman.
Mahina raw kaming mga kababaihan.
Kaya’t siguro pinagsasalamantahan.
Ngunit kayong mga kalalakihan,
Hindi nakikita ang halaga naming Pilipina.
Ba’t tila’y naging insulto ang salitang Pilipina?
Sa aming mga kababaihan,
Diba dapat ay musika—
Ang mga salitang ako’y Pilipina.
Ang aking boses, kasing lakas ng kampana;
Malinaw, maliwanag, at puno ng pag-aasam.
Lingon dito, lingon doon.
Hindi na ako bulag sa ‘di makatarungang opresyon!
Ang aking balat ay kayumanggi.
At ‘di tulad ni Maria Clara ay maputi.
Hindi ako ang babaeng nilalarawan mo,
Ngunit, ako pa rin ay isang Pilipinang totoo.
Ako ay isang dalagang makabayan.
Na hindi nagpapaalipin sa lipunan.
Sapagkat alam ko ang aking mga karapatan,
At handa na akong lumaban.
‘Di tulad ng babaeng sinasabi mo.
Na natuto na lang magtiis at mamuhay sa pagkaluho.
Ako ay Pilipinang may paninindigan.
Sa pinaglalaban na kalayaan.
Tila nagbago na ang Maria Clara ngayon.
Ang babae na dati ay sunod-sunuran lang,
Ngayon ay simbolo ng patas at makatarungang kinabukasan.
Iisang bayan, iisang sigaw, pemenismo ang tugon sa kaapihan!
Isinulat nina Pauline R. Quintero at Mariel M. Hernandez
Commentaires