Isang likha na nagbabahagi sa kung ano ang tunay na depinisyon ng pagiging isang babae--kung sino ka ay ikaw ang may karapatang pumili. Isang tulang pag-saludo para sa lahat ng babaeng lumalaban, nagliliyab at magtatagumpay!
Ako ay Babae,
Hindi ako Babae lang.
Hindi ako isang bansang
Pwede mo lang sakupin
at tawaging sa’yo upang angkinin.
Ako ay akin at akin lamang.
Walang nagmamay-ari sa akin
Kundi ako lang.
Ako ay Babae
May pusong mayumi,
Tapang, at lakas para sa pagpupunyagi.
Hindi ako isang anino
Na sunod-sunuran ng kahit sino.
May sarili akong panlaban,
Sandata’t espada’y handa na sa digmaan.
Hindi magpapahuli, hindi magpapatalo,
Lalaban ako hanggang dulo.
Ako ay Babae.
Huwag kang umasang ako ay tatango.
Sa lahat ng iyong gusto,
Kapag sinabi kong hindi,
Hindi ibig sabihin no’n ay pipilitin mo ako.
Matuto kang rumespeto
Dahil kung hindi, ikaw pa ba ay tao?
Ako ay Babae.
Ilaw ng tahanan man o hindi,
Magliliwanag ako at magsisindi
Ng apoy na aalab hanggang sa huli.
At kahit anong pagsunog at pagsira mo sa’kin
Magliliyab ako kahit anong mangyari.
Ano man ang depinisyon mong ihahabi,
Sa bandang huli ay
Ako pa rin naman ang magsasabi
Kung sino ako at ano ang gusto kong gawin.
Basta ang dapat mong tandaan:
Ako ang bukas, ngayon, at nakaraan
Dahil ako ay Babae
Para sa bayan, patuloy na aabante!
Isinulat ni Ina Mariel Nera
Comentarios