top of page
Anchor 1

Pagsasanay ng Ligtas na Pagtatalik: Ang Tableta

Isinalin ni: DOLLABILLBO$$, Chantiedope, choo, sky lee, milktmami, tulog na joy bean, co😎le

Likhang-sining ni: harry styles r u free tonight & peppa


I. Ano ang mga tableta para sa pagkontrol ng kapanganakan?

Ang birth control pills o BCP --- na kinikilala rin bilang mga oral na kontrasepsyon, ay isa sa mga gamot na kadalasang iniinom ng karamihan upang hadlangan ang pagbubuntis. Maliban dito, maari itong inumin ng mga babaeng nais iwasan o bawasan ang mga problema sa panregla (hal. cramps) o may problemang medikal (hal. cysts, premenstrual syndrome). Naglalaman ito ng mga hormon na kumokontrol sa mga obaryo at matris para mapigilan ang pagbubuntis.


Masasabing ligtas, abot-kaya, at mabisa ang kontraseptibong ito–kung tama at laging nasa oras ang pag-inom nito. Subalit, kahit nakapipigil ito ng pagbubuntis, nasa panganib pa rin ang taong gumagamit nito mula sa Mga Sakit at Impeksyong Naikakalat sa Sekswal na Pagtatalik (Sexually Transmitted Diseases and Infections).


II. Ang iba’t ibang mga uri ng BCP


III. Paano ito gumagana?

Pinipigilan ng BCP ang pagsasama ng tamod sa itlog ng babae. Sa madaling salita, iniiwasan ng mga tableta ang pertilisasyon o pagbubunga. Mayroong dalawang uri ng tableta, ang Combination pills at Mini pills. Ang Combination Pill ay naglalaman ng estrogen at progestin, habang ang Mini pill ay naglalaman ng progestin lamang. Pinipigilan ng dalawang hormon na ito ang obulasyon, kaya’t walang itlog sa obaryo para malagyan ng punlay kung kaya’t hindi mabubuntis ang babae. Higit pa, pinapakapal din ng tableta ang mukosang serbikal kaya lalong nahaharangan at nahihirapan ang tamod sa pagbibinhi.


IV. Paano at kailan ito iniinom?

Tulad ng nabanggit, naiinom ang mga tabletas para sa pagkontrol ng kapanganakan. Maaari mong simulan ang pag-inom ng tabletang ito sa unang araw sa siklo ng iyong regla. Ngunit, kapag nagsimula ka na at ininom mo ang tableta sa ibang araw sa siklo ng iyong regla, kailangan mong maghintay ng pitong araw bago makipagtalik ng walang proteksyon.


Kapag nagsimula ka na, kailangan mong uminom ng isang tableta araw-araw o kung anuman ang nakasulat sa tagubilin sa balot ng tableta. Sa panahon na nakalimutan mong inumin ang tableta ng isang araw, inumin ito agad kapag iyong naalala. Bukod dito, kung nakalimutan mong inumin ang tableta ng dalawang magkasunod na araw, agad na konsultahin ang iyong doktor at pansamantalang gumamit ng ibang paraan para sa pagpipigil ng pagbubuntis.


Kung nais mong mabuntis, kailangan mo lamang ihinto ang pag-inom ng mga tableta. Bagaman maaaring abutin ng ilang buwan para bumalik sa dati ang normal na siklo ng iyong regla (bago ka nagsimulang uminom ng mga BCP) ngunit maaari ka pa ring mabuntis sa panahong ito.


Maari mong simulan ang ang pag-inom ng Combination pills anumang oras, ngunit para sa agad-agarang proteksyon mula sa pagbubuntis, mabuting simulan ito sa loob ng unang limang araw pagka simula ng iyong regla. Kung hindi, aabutin ng isang linggo ng araw-araw na pag-inom bago ka ma-proteksyunan.


Ang karaniwang iskedyul sa pag-gamit o pag-inom ng Combination pills ay depende sa kung anong pakete ang iyong binili. Ang 28-pack ay naglalaman ng 4 o 7 na placebong tableta, at ang iba naman ay hormon na tableta depende sa kung ano ang brang ng BCPs. Dapat mong inumin ang mga tableta nang sunod-sunod sa loob ng dalawampu’t-walong araw, kasabay nang pag-ubos ng placebos pagpatak ng pang-apat na linggo. Kung ang mga placebos ay hindi naglalaman ng mga hormon, may iba namang naglalaman ng iron o ibang mga suplemento. Ang placebos din ay tinatawag na “reminder pills” sapagkat pinapaalala nito sayo na inumin ang iyong mga tableta araw-araw at magsimulang gumamit ng panibagong pakete ng tamang oras. Sa pang-apat na linggo, ikaw ay protektado pa rin sa pagbubuntis kahit na hindi mo nainom ang mga tabletang naglalaman ng hormon.


Ang 21-pack naman ay naglalaman lamang ng dalawampung hormon na tableta. Ang mga tabletang ito ay dapat inumin nang sunod-sunod sa loob ng dalawampu’t-isang araw, at sa susunod na pitong araw, huwag ka nang uminom ng tableta. Pagkatapos ng isang linggo na iyon, kaagad ka nang magsimula sa paggamit ng panibagong pakete ng dalawampu’t-isang Combination Pills. Walang “reminders” sa 21-pack kung kaya’t dapat na magtakda ka ng sarili mong mga paalala na inumin ang tableta pagkatapos ng pitong araw nang walang iniinom na kahit isa. Ang hindi pagkakaroon ng “reminder pills” ay maaaring maging dahilan ng pagkalimot mong magsimula ng bagong siklo ng tableta, kung kaya’t karaniwang inirerekomenda na gumamit ng 28-pack upang maging tuloy-tuloy ang lahat.


Ang Progestin-Only (Mini) Pills ay ibinebenta sa 28-packs lamang, na naglalaman ng dalawampu't walong tabletas na puno ng progestin. Para sa Mini Pills, walang linggo na walang hormon di katulad sa kapag ininom ang Combination Pills. Maaari mong inumin ito ng kahit anumang oras at maproteksyunan sa pagbubuntis sa loob ng apatnapu’t walong oras na kinuha ito. Sa loob ng apatnapu’t walong oras na ito, dapat kang gumamit ng ibang paraan ng pagkontrol o pagpigil ng pagbubuntis kung ikaw ay magkakaroon ng penis-to-vagina na pakikipagtalik upang mabawasan ang posibilidad na mabuntis. Napakahalaga na ang mga tabletas ay kinukuha araw-araw, sa parehong oras o hindi hihigit sa tatlong oras pagkalipas sa karaniwang oras na kinukuha mo ito.


V. Mga ibang epekto

Halos lahat ng mga batang babae ay makakaranas ng maliit hanggang sa walang mga kakaibang epekto sa katawan nila. Kadalasang nawawala ang mga ito sa 2-3 na buwan habang ang katawan ay nagsasaayos. Ang ilan sa mga kakaibang epekto na nagkakaroon ang kababaihan habang gumagamit ng Pill ay ang mga sumusunod:

  • Pagduduwal, pananakit ng ulo, at pagkahilo

  • Panlalambot ng dibdib

  • Pamamaga

  • Pagbabago ng lagay ng loob

Ang mararahas na side effects para sa combination BCPs ay ang mga sumusunod:

  • Depresyon

  • Pagdagdag ng timbang

Ang ibang mga doktor ay nagrereseta ng tableta kapag ang isang babae ay nakakaranas ng mga problemang panregla, sapagkat nagdudulot rin ito ng mga sumusunod na side effects:

  • Nababawasan ang mga panreglang pamumulikat

  • Magaang regla

  • Pinapagaan ang PMS

Kung minsan ito rin ay nirereseta kapag ang pasyente ay mayroong problema sa tigyawat dahil ito’y nahahadlangan at napapabuti.

VI. Mga pormulasyon at henerasyon ng mga tableta

Ano ang mga henerasyon ng progestin?

  • Ito ay kung paano ikinakategorya ang mga iba't ibang uri ng progestin batay sa panahon kung kailan sila unang handa na

  • May iba’t ibang katangian ang iba’t ibang henerasyon ng progestin

  • Sa pangkalahatan, and ikalawang henerasyon ng tabletas ay ang itinuturing na pinaka ligtas gamitin

  • Ang ikatlo at ikaapat na henerasyon naman ng tabletas ay ginawa para solusyonan ang mga masasamang epekto na maaring maidulot ng ikalawang henerasyon ng tabletas, ngunit, maaaring pataasin ang panganib na magkaroon ng pamumuo ng dugo mula rito.

Mga epektong progestational

  • Pinipigilan ang obulasyon

  • Binabawasan ang pagdurugo tuwing nagkakaregla

Mga epektong Androgenic

  • Mga masamang epekto tulad ng pagkakaroon ng tigyawat at pagtubo ng buhok sa katawan

Mga epektong estrogenic

  • Tinutulungan labanan ang mga epektong androgenic


VII. Mga Online na Botika at pook-sapot para sa Pill Packages

Sa Pilipinas, maraming uri ng kontraseptibo ang maaaring bilhin ng hindi kinakailangan ng preskripsyon.Ang Dima PH at Southstar Drug ay iilang mga online na botika na nagbebenta ng mga tabletas na pangkontraseptibo. Kahit na nagbebenta ang Watsons ng kontraseptibo ay nangangailangan ito ng preskripsyon bago mabibili ang mga produktong ito. Ang Dima PH ay maaring makapagbigay ng preskripsyon kung nangangailangan.



REFERENCES

“Birth Control Pill (for Teens) - Nemours KidsHealth.” Edited by Rupal Christine Gupta, KidsHealth, The Nemours Foundation, Jan. 2017, kidshealth.org/en/teens/contraception-birth.html.


“Birth Control Pills: The Pill: Contraceptive Pills.” Planned Parenthood, www.plannedparenthood.org/learn/birth-control/birth-control-pill.


Brooks, Krista. “Birth Control Pills: What You Need to Know.” National Center for Health Research, 21 July 2020, www.center4research.org/birth-control-pills-need-know/.


“Contraception.” Centers for Disease Control and Prevention, Centers for Disease Control and Prevention, 13 Aug. 2020, www.cdc.gov/reproductivehealth/contraception/index.htm.


Dawn Stacey, PhD. “8 Types of Progestin in Combination Birth Control Pills.” Verywell Health, www.verywellhealth.com/different-progestin-types-906936.


Dawn Stacey, PhD. “How Do You Choose Between Multiphasic vs. Monophasic Birth Control?” Verywell Health, www.verywellhealth.com/types-of-combination-pills-906935.


“How to Use Birth Control Pills: Follow Easy Instructions.” Planned Parenthood, www.plannedparenthood.org/learn/birth-control/birth-control-pill/how-do-i-use-the-birth-control-pill.


Team, the Healthline Editorial. “Birth Control Pills: Types, Effectiveness, and More.” Healthline, Healthline Media, 17 Sept. 2018, www.healthline.com/health/birth-control-pills.


“What Are 1st, 2nd, 3rd and 4th Generation Pills?” What Is a 1st, 2nd, 3rd, 4th Generation Pill? - Treated.com, www.treated.com/contraception/what-is-a-1st-2nd-3rd-4th-generation-pill.

“What Are the Benefits of Birth Control Pills?” Planned Parenthood, www.plannedparenthood.org/learn/birth-control/birth-control-pill/what-are-the-benefits-of-the-birth-control-pill.



Comments


bottom of page