top of page
Anchor 1

Mga Maling Kuru-Kuro tungkol sa Reproduktibong Pangkalusugan: AIDS Edition

Isinalin ni: DOLLABILLBO$$, yeera, cocojamdabezz, pisces bby, & milktmami

Likhang-sining ni: doops, hisevenn, & iyakalat




Disclaimer: Lahat ng impormasyon sa publikasyon na ito ay iniwasto at sinuri ng mga propesyonal sa medisina.


Pangkalahatang Ideya ng HIV at AIDS


Ang HIV (human immunodeficiency virus) ay isang bayrus na nakakapinsala sa immune system sa pamamagitan ng pagkasira sa CD4 T cells — white blood cells na tumutulong sa katawang labanan ang sakit. Sa kawalan ng angkop na paggamot, maaari itong humantong sa AIDS (Acquired Immunodeficiency Syndrome) kung saan hindi kayang labanan ng katawan ang mga mikrobyo at bakterya, at iba pang mga organismo na nagdadala ng sakit.


Ang AIDS ay unang binalita sa mga baklang kalalakihan na humantong sa iminungkahing termino para sa sindrom na gay-related immune deficiency (GRID) dahil ito ay natuklasan bilang isang impeksyon na napapasa sa iba sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa sekswal na paraan. Ang termino ay gumawa ng diskriminasyon laban sa LGBT+ na komunidad dahil lumakas ang takot ng mga tao sa sakit na iyon at sa mga nahawaan.


Subalit, sa huling bahagi ng epidemya, ang mga kaso ay binalitang kumalat dahil sa sekswal na aktibidad, panganganak, pagbabahagi ng mga karayom, pagpapasa ng dugo, at pati na rin sa pamamagitan ng pagpapasuso.

Kahit na wala pa ring gamot para sa HIV/AIDS, may mga gamot na nabuo para mapabagal ang paglaki ng sakit kung saan malaki na ang nabawasan sa bilang ng mga namamatay mula sa AIDS sa madaming bansa.



Istatistika ng HIV at AIDS


Mula noong 1998 sa rurok ng pagpapasa ng HIV, ang bilang ng impeksyon sa buong mundo ay bumaba ng 47%.


Ang bilang ng mga kamatayang kaugnay sa AIDS sa mundo ay malaking bumaba ng 61% mula sa rurok nito noong 2004. Sa 2010, ang bilang ng namamatay sa AIDS ay bumaba sa 42%.


Noong 2020 lamang, 37.6 milyon ng mga tao sa buong mundo ay natagpuang namumuhay na may HIV. Subalit, 84% lamang sa populasyon na ito ang nakakaalam sa kanilang kalagayan, ibig sabihin ay umaabot sa 6 sa loob ng 37.6 milyon na tao ang hindi nakakaalam na nagkaroon sila nito.


Sa parehas na taon, 71,000 sa loob ng 97,000 na mga Pilipino ang namumuhay na may HIV at alam ito. Ngunit, 73% lamang sa mga may HIV sa Pilipinas ang may malay sa estado ng kanilang kalusugan.


Karamihan sa mga Pilipino na may malay na sila ay namumuhay na may HIV ay mayroong akses sa paggamot at medikal na pangangalaga. Sa pangkalahatan, sila ay mga matatandang edad 18 at mas matanda, at mga kabataang edad 0-17 na mga taon.



Mga Maling Kuro-kuro Tungkol sa HIV at AIDS


Myth 1: Naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng paghawak sa taong mayroon nito

  • Nakukuha lamang ang bayrus kapag ang mucous membranes ng isang tao ay nagkaroon ng kontak sa mga partikular na likido ng katawan — dugo, gatas ng ina, preseminal fluid, likido mula sa rectum at vagina, at semen — mula sa mga taong may HIV. Hindi ito naipapasa sa pamamagitan ng paghawak lamang o di naman kaya sa pamamagitan ng laway.


Myth 2: Naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng mga insekto at alagang hayop na may HIV

  • Hindi naipapasa ng mga hayop at insekto ang HIV sapagkat hindi sila nagsasalin ng dugo sa tao, kahit na sila man ay mangagat o mahawakan ng tao.


Myth 3: Maaaring kumalat ang HIV sa pamamagitan ng tubig o pagkaing kontaminado nito.

  • Hindi kayang mabuhay nang matagal ng HIV sa labas ng katawan ng tao. Ito ay namamatay kapag na-expose sa panlabas na kapaligiran katulad ng tubig, hangin, at init mula sa pagluluto. Kapag naman nakakain ng isang tao ng pagkaing kontaminado ng HIV, papatayin ng mga asido sa sikmura ang bayrus.


Myth 4: Kung ang dalawang tao sa isang relasyon ay parehas na may HIV, hindi na nila kailangan gumamit ng proteksyon.

  • Maaaring magkaiba ang klase ng HIV ng dalawang tao sa relasyon kaya posibleng maipasa ang magkaibang klase ng HIV sa isa’t isa. Ang magkasintahan ay maaring mahawa ulit at maaaring mas maging komplikado ang kanilang paggamot.


Myth 5: Pinatataas ng pagsasalin ng dugo ang panganib na mahawa ng HIV.

  • Sa kasalukuyan, sumasailalim ang mga donasyon ng dugo sa masusing pagsusuri upang masiguro na wala itong mga kontaminasyon. Ang dugo ng donor ay kinukuha rin gamit ang malilinis na karayom at materyales, kaya naman walang panganib na maipasa ang HIV sa ganitong paraan.


Myth 6: Hindi naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng oral sex

  • Habang pambihirang kaso ito, maaari pa ring malantad sa virus sa pamamagitan ng pagpasok ng mga kontaminadong likido sa mucous membranes ng kanilang bibig. Maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng paggamit ng dental dams o kondom kapag nag-ooral sex, at kung HIV+ ang iyong kapareha, pakikipagtalik lamang sa isang tao habang sinisiguradong patuloy na sumasailalim sa antiretroviral therapy ang kapareha.


Myth 7: Hindi naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng laway

  • Maaaring makuha ang HIV sa pamamagitan ng mga sugat sa bibig at dumudugong gilagid.

Myth 8: Imposibleng makuha ang HIV mula sa karayom


  • Dahil nabubuhay ng hanggang 42 na araw ang HIV sa gamit na karayom, mataas ang tiyansa na makuha ang bayrus sa pamamagitan ng pagbabahagi nito.


Panawagan na Kumilos at Mensahe para sa mga Mambabasa


Ang Love Yourself Organization ay isang organisasyon na nagpapalaganap ng kamulatan tungkol sa HIV sa Pilipinas at naniniwalang self-worth ang susi sa pagbubuo ng makapangyarihang komunidad. Self-worth ang isa sa mga salik na nakapagtitiyak sa kaligayahan ng isang tao. Layunin nilang ipalaganap sa komunidad ang mga pananaw, mga ideya, at mga kaugaliang nanghihikayat ng pagmamahal sa sarili. Nagpapalaganap sila ng kamulatan sa pamamagitan ng pangangampanya sa mga social media na plataporma. Nagpapatakbo sila ng limang community center sa Metro Manila, isa sa Cavite, at isa sa Cebu, kung saan nagbibigay sila ng libreng HIV/STI screening at same-day treatment. Noong 2019, higit na 1,500 ang kanilang mga boluntaryong namuno sa mga programa, outreach, at community centers. Maaari mong bistahin ang https://loveyourself.ph/ para sa karagdagang impormasyon, konsultasyon, at mga pasilidad.


Ang mga nakaranas ng estigma at diskriminasyon ay mas madaling naapektuhan ng HIV, at ang mga HIV+ ay mas sensitibo sa estigma at diskriminasyon. Mahalagang makilahok sa mga usapan at pananaliksik upang magkaroon ng higit pang kaalaman ukol dito at tanggalin ang estigma. Para mawala ang mga ito, kailangan turuan natin ang isa’t isa tungkol sa transmisyon ng HIV, pag-iwas, at pag-alaga, upang alam natin kung paano harapin ito at kung paano makipag-komunika sa mga indibidwal na mayroon nito.


Nakikiisa ang Amarela sa komunidad, lalong lalo na sa mga biktima ng panghihiya at pangungutya. Lahat tayo ay mahalaga at may lugar sa mundo. Ating tapusin ang paulit-ulit na diskriminasyon at mga stereotype sa pamamagitan ng pagturo sa isa’t isa. Laging tatandaan na ikaw ay minamahal at may kapangyarihan ang iyong boses upang iangat at suportahan ang mga taong namumuhay nang may AIDS, naihayag man nila o hindi.




References


“History of HIV and AIDS.” Avert, n.d., https://www.avert.org/professionals/history-hiv-aids/overview




Nall, Rachel. “HIV and AIDS: Transmission myths and facts.” Reviewed by Thomas Dean Chiampas, Medical News Today, 24 September 2020, https://www.medicalnewstoday.com/articles/323832






Comments


bottom of page