Isinalin ni: Marian Q., Kim J., Vanessa I., Nicole S., Rasha d.
Likhang-sining ni: Gabriela S., Victoria A., Ally M.
Noong ika-4 ng Hulyo, 2020, ginanap ng Amarela Philippines ang kanilang pinakaunang webinar, “Amarela Talks No. 1”, sa pamamagitan ng kanilang Facebook Live, na pinamagatang “The Accessibility of Reproductive Healthcare amidst the COVID-19 Pandemic in the Philippines.” Ang kaganapan ay pinamahalaan ni Jenina Co, ang tagapangulo ng Amarela PH, kasama ni Aly Barranda, ang bise tagapangulo ng Amarela PH. Ang mga ispiker para sa webinar na ito ay sina Senador Risa Hontiveros, Ginang Samira Gutoc, at Ginoong Iori Kato.
Si Senador Risa Hontiveros ang tagapangulo ng komite ng Senado sa Kababaihan, Mga bata, Relasyon sa pamilya, at Pagkakapantay-pantay ng kasarian. Ipinaglaban niya ang labing-apat na batas, kabilang dito ang makasaysayang Expanded Maternity Leave Law, ang Philippine Mental Health Law, at ang Safe Streets and Public Spaces Law o ang “Bawal Bastos Law”. Si Ginang Samira Ali Gutoc-Tomawis naman ay ang dating mambabatas ng ARMM at ang Komisyoner ng Bangsamoro Transition Commission. Siya ay isang pinuno ng sikibo at kabataan, isang mananalumpati, mamamahayag, tagataguyod ng kapayaan at karapatan ng kababaihan, at siya rin ang nakatanggap ng parangal na N-Peace mula sa United Nations Development Program. At panghuli, si Ginoong Iori Kato ang kinatawan ng United Nations Population Fund o ang “UNFPA” Philippine Country Office. Kilala siya sa kanyang yaman ng karanasan sa maraming larangan tulad ng estratehikong pagpaplano, mga isyu sa karapatan sa kasarian at karapatang pantao, makataong tugon, at pamamahala sa pananalapi at pamamahala ng mga mapagkukunan ng tao.
Ang talakayan na round-table ang naging pangunahing adyenda para sa webinar, at ito-ito ang mga nangyari:
Ano ang iyong mga saloobin tungkol sa pag-uuna ng reproduktibong pangangalaga sa kalusugan ng mga kababaihan ngayong may pandemya?
Kinilala ni Senador Risa Hontiveros ang hamon sa pagtiyak na mayroon access ang kababaihan sa mga impormasyon at serbisyong ukol sa kung paano magiging isang responsableng magulang at sa reproduktibong pangangalaga sa kalusugan. Sa kabila ng walong taon na pagiging batas nito, nagiging responsibilidad ng mamamayan at kongreso na paalalahanan at punahin ang gobyerno na dapat siguraduhin na ang karapatan ng mga kababaihan sa ilalim ng batas ay itinataguyod at isinasagawa. Kasama dito ang gobyerno sa kabuuan, ang Department of Health at ang kongreso. Habang nagpapatuloy ang pandemya, nabibigyan ang gobyerno ng pagkakataon na pabayaan ang kanilang tungkulin sa sekswal at reproduktibong pangangalaga sa kalusugan kung kailan dapat ito mas bigyang kahalagahan ngayong panahon ng COVID-19; Ito ay para bigyang diin na ang mga kababaihan na parte ng pinaka mahihirap na sektor ay mas dehado kumpara sa iba. Inaasahan ni Senador Hontiveros na ang mga paghihirap na patuloy na ikinahaharap ng ating bansa hanggang ngayon ay hahantong sa mga aralin na maari nating magamit upang makahanap ng mas maraming paraan para mapanatili ang impormasyon, mga gamit, at serbisyo para sa mga kababaihan.
Binanggit ni Ginang Samira Gutoc ang kahalagahan sa pagkakaroon ng komprehensibong pamamaraan sa pamamahala ng krisis, lalo na sa pagkakaroon at pagsasanay ng gender lens. Kaugnay nito, ang “Reproductive Health services”, kilala rin bilang RH services, ay hindi naaaksyunan dahil walang sinuman na parte ng task force ay ipinaglalaban ito at walang eksperto sa kasarian ang gumagabay sa paggawa ng paglalaanan ng badyet. Dahil rito, nadedehado ang RH services dahil sa maliit na badyet at kakulangan ng suporta mula sa task force, na tuluyang ipagpapaliban hanggang sa kilalanin ng gobyerno ang kahalagahan nito. Binigyan diin ni Ginang Gutok ang kahalagahan ng impormasyon, lalo na sa panahon ng pandemya. Hindi sapat ang pagprotekta lamang sa mga frontliners, sapagkat kailangan din bigyan kaalaman ang mga mamamayan sa pamamagitan ng online channels. Ito ay upang mabigyan ng impormasyon ang mga may kapansanan sa isang lugar na komportable o maginhawa para sa kanila. Bilang karagdagan, tinatawag pansin nito ang kakulangan ng access sa impormasyon tungkol sa reproduktibong pangangalaga sa kalusugan, na hindi pinapagana ang adbokasiya.
Isinaad ni Ginoong. Iori Kato ang kahalagahan sa pagsali ng mga kalalakihan sa adbokasiya at diyalogo, lalo na sa karapatan ng mga kababaihan at pagkakapantay-pantay ng mga kasarian. Ang tanong na ito ay may kinalaman sa kanyang ahensiya (UNFPA) sa mga kadahilanan na ang kanilang layunin ay makamit ang unibersal na pag-access sa sekswal at reproduktibong pangangalaga sa kalusugan at karapatan para sa lahat, sa pamamagitan ng pagkamit ng “Three Zeros” pagdating ng 2030. Ito ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng pagtiyak ng bansa na tuloy-tuloy ang pagbigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng reproductive health at family planning. Bilang karagdagan, dapat magbigay ang gobyerno ng wastong suportang medikal, partikular na suporta sa mental at psychosocial, at sa mga inang nagtatrabaho bilang frontliners habang patuloy nilang kinakayanan ang mga epekto na naidudulot ng pandemya. Huling binanggit ni Ginoong Kato ang pangangailangan na magbigay ng wastong impormasyon tungkol sa reproduktibong pangangalaga ng kabataan dahil makakatulong ito sa pagkamit ng layunin ng kanyang ahensya.
Ano sa tingin mo ang kulang sa sistema, at kung meron, ano ang posibleng sanhi para dito?
Sa pagbukas ng talakayan kung bakit mayroon kapintasan sa healthcare system ng bansa, lalo na kung paano kaligtaan ng mga tao ang karapatan ng mga babaeng magkaroon ng ligtas na lugar kung saan maayos nilang maipapanganak ang kanilang mga sanggol, binanggit ni Ginang Samira Gutoc ang isang aspeto ng kultura sa lipunang Pilipino, kung saan ipinahayag niya na tayo ay tinuruang huwag pagusapan ang mga bagay tungkol sa ating katawan. “Tayo ay nahihiya pagusapan ang sex”, ayon sakanya. Kahit na nararapat na maipatupad ang sexual at reproductive healthcare, hindi ito maayos na naisasagawa o naituturo. Sinabi rin niya na ang ating pananampalataya at mga tradisyon bilang Pilipino ang pumipigil sa atin na pagusapan ang mga paksa na ito, hanggang sa tinuruan na rin tayo na tanggapin ang pang-aabuso at karahasan laban sa ating mga katawan. Dahil dito, ipinaliwanag ni Ginang Gutoc na dapat respetuhin natin ang ating mga katawan at mahalaga ang paghingi ng permiso. Sinabi niya rin na dapat matuto ang kalalakihan at kababaihan na intindihin ang sinuman na tumanggi sakanila na makipagtalik. Ipinahayag ni Ginang Gutoc kung paano kailangang ipahayag sa publiko ang mga pribadong bagay at kung gaano kahalaga ang edukasyon pagdating sa mga paksang ganito.
Inulit ni Senador Risa Hontiveros ang mga salita ni Ginang Gutoc at sinabing “What used to be confined only in the bedroom, should be brought to the classroom”, kung saan sumasang-ayon siya sa kahalagahan ng sekswal na edukasyon. Pinag-usapan niya rin kung paano sa pagtatasa ng estado ng ating public health system, nakatuon tayo sa ekonomiya, kasama na ang pulitika nito. Binigyan diin niya rin kung gaano kahalaga ang kultura upang maintindihan kung saan tayo nagsimula at kung paano natin ito maaaksyunan--hindi lamang upang mapabuti ang public health system sa panahon ng pandemya kundi sa pang kabuuan--at sinabi na ang pag talakay sa tungkulin ng kultura ay magpapalaya sa ating pananaw at magbibigay kalusugan sa lahat. Pagtingin sa ekonomiyang kaurian ng public health system, ipinakilala ni Senador Hontiveros kung paano ang isang bagong landmark law, ang Universal Healthcare Law, ay nasa proseso na para maipatupad, kung saan babaguhin ang primary healthcare approach para pagsilbihan ang mga nakatira sa malalayong lugar (GIDA) at mga dehadong lugar kung saan walang regular na health promotions, walang pag-unlad ng mga health-seeking habits, at walang regular na checkup mula sa mga doktor at nars. Itong mga pamayanan na ito ay malalayo sa mga healthcare na pasilidad, kaya naman pag sila ay nagkakasakit tinitiis nalang nila ito o kaya napipilitan silang magpakahirap para lang magpagmot sa isang klinika o ospital na nagiging dagdag pa sa kanilang gastusin, ngunit sa oras na sila'y pwede nang magpagamot, maaaring mas lumala na ang kanilang sakit, at mas mahal at mas mahirap na rin ito gamutin. Ipinaliwanag ni Sen. Hontiveros kung paano masisiguro ng Universal Healthcare law na lahat ng batas tungkol sa kalusugan ay maayos na ipinapatupad, dahil nangangailangan tayo ng pagpapabuti sa mapagkukunan ng tao, lalong-lalo na sa kadahilanan na ang tamang proporsyon ng doktor sa pasyente ay 1:33 ngunit ipinipakita mula sa datos noong 2016 na kulang tayo sa labinglimang libo mga doktor. Kung pag-uusapan ang badyet, hindi na bago na bawasan ang badyet na inilaan para sa mga health programs, tulad ng epidemiology at disease surveillance na mayroong P263M noong 2019 ngunit binawasan ito at naging P115M noong 2020. Ipinaliwanag niya na mayroon papel na ginagampanan ang pulitika sa hindi pag-unlad ng ating public health system, at tinatawag ang lahat ng mga pulitiko, aktibista, at mga tagapagtaguyod na gamitin ang pampulitikang kalooban at pakikilahok upang ilipat ang atensyon ng gobyerno na unahin ang pangangailangang pangkalusugan ng mga tao.
Pinag-usapan naman ni Ginoong Iori Kato ang mga institusyon ng pangangalaga sa kalusugan sa Pilipinas, kung saan ipinahayag niya na mayroon kahanga-hangang nakamit ang Pilipinas ngunit mas mapapabuti pa sana ito, base sa katayuan ng ekonomiya ng ating bansa. Bagaman may mga nakamit na tagumpay, sinabi niya sa kanyang presentasyon na may pagkukulang sa kaalaman at serbisyo sa sexual at reproductive health, kasama na rin ang mga maselan na socio-cultural na mga kasanayan, limitadong kapangyarihan sa pagdedesisyon, at karahasan base sa sekswal/kasarian ng tao na pumipigil sa atin na maayos ang pagpapatupad sa karapatang sekswal at reproduktibong pangangalaga sa kalusugan. Ipinaliwanag ni Ginoong Iori na may problema sa implementasyon ng mga programa para sa Responsible Parenthood at Reproductive Health, dahil sa kakulangan ng pinansyal na mga mapagkukunan ng tao sa lokal na antas, pati na rin ang kakulangan sa pakikilahok at pagpapalakas ng kababaihan sa pagdedesisyon at pagsubaybay sa implementasyon.
May alam ka bang serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan na maaaring lapitan ng mga kababaihan sa gitna ng pandemya?
Upang simulan ang talakayan, ibinahagi ni Sen. Risa Hontiveros ang alam niyang apat na serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan. Kasama rito ang Likhaan Clinics, Roots of Health, Lunas Collective, at International Justice Mission (IJM). [Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang kani-kanilang Facebook page o sumangguni sa webinar consolidation pub na nakapaskil sa social media accounts ng Amarela Philippines]
Samantala, binigyang diin ni Gng. Samira Gutoc ang kahalagahan ng mga grupo na kasangkot sa pangangalaga sa kalusugan (RH) na laging maging handa para magbigay serbisyo. Mahalaga ito dahil WiFi ang isang pangunahing isyu sa pag-access ng mga serbisyong RH lalo na sa mga lugar sa kanayunan. Bilang karagdagan, binanggit niya na matagal nang binabalewala ang serbisyong RH pati sa mga ospital. Dahil sa mga isyung ito, maraming mamamayan ang natatakot na bumisita sa mga ospital at napipilitan nalang manatili sa bahay kahit nalagay na sa panganib ang kanilang buhay. Ito ang humantong kay Gng. Gutoc na tanungin si Sen. Hontiveros, "Bawal ba ang hilot?", na tumutukoy sa mga tradisyunal na manggagamot sa mga pamayanan sa kanayunan. Ipinaliwanag niya na ang mga manggagamot na ito ay ang tanging mga kasangguni sa RH na maaaring lapitan ng mga mga mamamayan sa komunidad lalo na sa panahon ng pandemya.
Sumagot si Sen. Risa Hontiveros sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa pahayag ni Gng. Gutoc at pagbigay diin sa tungkuling dapat ibigay sa mga tradisyunal na manggagamot. Sinabi niya, "Ang mga tradisyunal na manggagamot ay dapat isali sa mga pangkat ng pangkalusugan sa komunidad ng pangkalusugan ng komunidad kasama ang mga doktor, nars, komadrona, at mga Barangay Health Worker (BHW) na handang tumulong." Sa pamamagitan nito, ang mga pangkat ng pangkalusugan sa komunidad ay maaaring makinabang mula sa kredibilidad at pagkamalapit ng mga hilot sa kanilang pamayanan.
Panghuli, sinimulan ni G. Iori Kato ang kanyang sagot sa pagtatanong ng "Bakit hindi lahat ng mga serbisyo?". Kanyang inilahad na dapat may kakahayan ang bawat isa, anuman ang kanilang demograpiko o pinanggalingan, sa pag-access ng serbisyo at impormasyon na nais nilang mahuka. Kabilang dito ang serbisyong RH, na dapat maging bahagi ng ating pangunahing pangangailangan at dapat kayang mapakinabangan sa gitna ng pandemya. Gayunpaman, binigyang pansin ni G. Kato ang pagbawas sa bilang ng taong may kakayahang makinabang at talagang gumagamit ng mga serbisyong RH dahil sa pandemya. Bilang tugon, gumawa ang UNFPA ng isang handbook upang malutas ang mga kasalukuyang hamon sa pangangalaga sa kalusugan na kinakaharap ng mga pambansang unit at lokal na pamahalaan. Ginawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ng mga PPE sa Department of Health (DOH) at mga frontliners sa buong Luzon, Metro Manila, at Bangsamoro (BARMM). Bukod dito, inilunsad nila ang inisyatibong RH na pinangalanang rh-care.info; inilunsad nila ang isang online na sistema, kasama ang Commission on Human Rights, para sa pag-uulat ng mga karahasan na batay sa kasarian; sinimulan ang Ligtas-Buntis helpline na bukas 24/7 para sa mga buntis na kababaihan sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon; at nakatrabaho kasama ang Mental Health Association - Lipa Batangas upang magbigay ng online na pangkaisipan at psychosocial na suporta.
Anong mga produktong menstruwal ang mapapakinabangan at tumatagal, ngunit abot-kaya pa rin ang inyong marerekomenda? Mayroon pa ba kayong ibang rekomendasyon?
Binanggit ni Sen. Risa Hontiveros ang sanitary napkin, ang pinaka pamilyar sa ating lahat, at madaling mahanap at mabili para sa karamihan, at pagkatapos ay binaggit din ang mga produktong tumatagal, katulad ng: menstrual cups, mga pads na maaaring gamitin ng higit sa isang beses, at mga panti na pangregla, na karaniwang binebenta online. Ngunit, kung isasaalang-alang ang buhay ng mga Pilipinong walang access sa mga bagay na ito, may posibilidad na hindi pa nila naririnig ang mga ganitong alternatibong produkto. Sa pamamagitan ng mga adbokasiya at mga programa katulad ng sa Amarela, hinihimok ni Sen. Risa Hontiveros ang mga pribadong kumpanya na nagbebenta ng sanitary napkins na lumipat sa mga produktong tumatagal sa paglipas ng panahon sa pamamagitan ng pananaliksik at pagpapaunlad, ngunit pagmasdan ang paggawa ng mga produktong makakatulong sa kalikasan na maaaring ma-access ng lahat, lalo na ng mga taong madaling maapektuhan ng ekonomiya.
Dagdag pa ni Gng. Samira Gutoc na ang pag-access sa tubig ay malaki pa ring problema, kung paano pa na ang kampanya ng ating Gobyerno para sa paghuhugas ng kamay ay insensitibo. Minungkahi pa niya na dapat ipaalala sa mga service providers ang kahalagahan ng pagkakaroon ng access sa tubig atpampublikong palikuran, na ang pagkakaroon ng akses sa tubig at wastong kalinisan ay kasing importante ng mga produktong panregla. Binanggit pa ni Gng. Gutoc kung paanong ang mga sanitary napkins ay mamahalin, hindi lamang sa mga kababaihan kundi pati narin sa mga Internally Displaced Persons (IDP), dahil karamihan sakanila ay gumagamit ng malong o ibang mga tela para sa kanilang regla. Ginagamit ang mga ito muli sa pamamagitan ng paglalaba o paghuhugas lamang, kung saan muling natutukoy ang problema pagdating sa pag-access sa tubig.
“Habang maaaring maraming pwedeng pagpilian na mga opsyon, dapat din nating itanong: lahat ba ng kababaihan sa Pilipinas ay may sapat na kagamitan upang magkaroon ng pantay-pantay na pag-access at pagpili sa mga produktong panregla? tanong ni Sir. Iori Kato. Ipinaliwanag naman ni Gg. Kato na sa mga kanayunan, ang mga kababaihan ay gumagamit ng pasador, isang menstrual pad na gawa sa tela, dahil masyadong mahal ang presyo ng disposable pads. Kung kaya't kanyang minungkahi na dapat kasama ang sanitary products sa mga hygiene kits ng humanitarian relief, para masigurado ang kaligtasan ng mga kababaihan, dahil hindis sila madalas na tinatrato bilang responsibilidad. Sinabi niya na ang pagkakaroon ng regla ay hindi hihinto kapag may tumamang pandemya o kalamidad. Kanya ring minungkahi ang pag-uuna sa mga alalahanin tungkol sa kasarian sa lahat ng sektor katulad ng sa tubig, kalinisan, pagkain, at iba pa, na muling tinutukoy ang kanyang sagot mula sa huling katanungan na tungkol sa importansya ng pagsama ng mga kababaihan sa mga iba't ibang proseso ng pagdedesisyon.
Sa kasalukuyang pagtaas ng mga biktima ng sekswal na karahasan na nagsasalita tungkol sa kanilang mga karanasan, paano higit na makakatulong sa mga biktima ang social media?
Nais ipabatid ni Ginang Samira Gutoc kung paanong parehong enabler at disabler ang social media. Ito ay dahil sa rason na kailangan pa ring patuloy na maturuan ang kabataan sa mga pakinabang at kapinsalaan ng social media. Gayunpaman, napakahalaga ng pagiging isang tagasuporta at tagapakinig kapag gumagamit ng mga chat rooms.
Binibigyang diin ni Senador Risa Hontiveros ang ilan sa mga positibong aspeto ng social media. Ang social media ay isang aspeto ng pagsuporta; kung saan pinapayagan nito ang ang mga kababaihan at mga kaalyado na maging naroroon, na makinig, at magbigay ng moral na suporta sa isa’t isa habang hinahanap ang katarungan sa kanilang oras ng paghihilom. Minsan, ang social media ang tanging nakikitang puwang para sa mga nakaligtas na mga biktima upang ibahagi at pag-usapan ang kanilang mga karanasan. Mahalagang kilalanin ang pangangailangan na maibalik ang social media bilang isang puwang at komunidad na ligtas. Maaaring makamit ito sa pamamagitan ng pag-aalis ng pagbibigay kahihiyan at pagsisisi sa mga biktima, pagtanggal ng mga pekeng balita, propaganda, at mga negatibo na ginagamit ang social media upang makapahamak ng ibang tao. Kung nagagawang alagaan ng mga indibidwal ang isa’t isa sa online, maaaring alagaan din nila ang isa’t isa sa totoong buhay
Ipinaliwanag ni Ginoong Iori Kato na kinakailangang gamitin ang social media para sa parehong pag-iwas at pagtugon sa karahasan batay sa kasarian (na kilala rin bilang GBV) sa Pilipinas. Dahil pitumpung porsyento ng mga Pilipino ay mga aktibong gumagamit ng social media, kasama ang karamihan sa mga kabataan na konektado, ang mga solusyon ay maaaring maibigay upang sirain ang mga problemang naidulot ng lockdown. Magagawa ito sa pamamagitan ng apat na mga domain: isang platform para sa mga adbokasiya at kampanya, lugar para sa malaking pagsuporta, at pagkonekta ng mga nakaligtas sa karahasang nakabatay sa kasarian at ang mga nagbibigay ng serbisyo, isang platform ng pangangalap ng datos, at panghuli, isang platform ng pananagutan. Sa pamamagitan ng mga domain, makakatulong ito sa pagpapalaganap ng parehong mga impormasyon at solusyon para sa karahasang nakabatay sa kasarian. Mahalagang samantalahin ang bilang ng mga gumagamit ng social media para sa kapakanan ng mga nakaligtas na biktima.
Ano pa ang maaaring gawin ng gobyerno para mapabuti ang Reproduktibong Pangangalaga sa Kalusugan sa Pilipinas? At ano ang ating magagawa upang maghangad ng mas mahusay na mga patakaran para sa RH?
Nagsimula si Gng. Samira Gutoc sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng isang "tri-partnership" sa pagitan ng gobyerno, pribadong sektor, at mga mamayanan, na inaasahan niyang maging isang paraan upang mahusay na mailarawan ang mga non-government organizations (NGOs) sa Inter-agency Task Force ng bansa. Idinagdag niya na maaaring magresulta sa mas mabuting representasyon ng sibilyang lipunan ang pag-indigenize sa mga kampanyang RH sa mga lokal na diyalekto, tulad ng pagsasalin ng mga pagpupulong sa senado sa diyalektong Bisaya. Binigyang diin din ni Gng. Gutoc ang kahalagahan ng RH sa pagtanggol sa kalidad ng buhay ng mga marginalized at naghihirap, at hinamok niya ang mga kumpanya na mamuhunan sa mga programa ng RH. Hindi maaaring maging huli sa ating priyoridad ang RH–mahalaga pa rin ito–dahil nakasalalay ang kinabukasan ng sangkatauhan sa pag-iwas sa pagkamatay ng ating mga kababaihan.
Samantala, tinalakay ni Sen. Risa Hontiveros ang huling tanong sa pagbibigay ng mungkahi sa mga proyektong maaaring simulan ng Amarela Philippines. Una, hiniling niyang ipagpatuloy ng Amarela ang mga talakayang tulad ng webinars sa pamamagitan ng social media at buksan ang talakayang ito sa publiko–na inilarawan niyang, “A marketplace of ideas”. Pagkatapos, binigyang diin niya ang kahalagahan ng paggamit ng mga makabuluhang kabatiran na nakuha mula sa webinar upang maitaguyod ang mga programa at proyekto ng Amarela sa hinaharap. Bilang wakas, ibinahagi ni Sen. Hontiveros ang tiwala niya sa maaaring mai-ambag ng Amarela sa pagsulat ng mga panukalang batas, resolusyon, at mga iminungkahing proyekto ng Senado. Bukod dito, inaasahan ni Sen. Hontiveros ang tuluyang pakikipag-ugnay ng Amarela sa kanyang Komite sa Senado sa Kababaihan, Bata, Pakikipag-ugnay sa Pamilya, at Pagkakapantay-pantay ng Kasarian, kina G. Kato at ang UNFPA, at komite ni Ms. Gutoc para sa posibleng pakikipagsosyo sa hinaharap.
Ibinahagi ni G. Iori Kato na bago pa nagsimula ang pandemya, hindi pa perpekto ang RH sa Pilipinas dahil marami pang maaring ayusin. Kanyang binigyang diin ang kahalagahan sa pagsasama ng sistemang RH sa panandalian at pangmatagalang socio-economic na mga plano ng pamahalaan mula sa COVID-19. Mula dito, nais niyang mapalakas ang sistema ng RH at tiyakin na maging parte ng ating pangangailangan ang pagtanggap ng impormasyon at kalakal sa RH– hindi dapat ito balewalain, abalahin, o hindi bigyang pansin. Iminumungkahi rin ni G. Kato na upang malabanan ang mga hadlang sa materyal at kawalan ng kakayahang kumuha ng serbisyong RH, maari tayong makaisip ng makabagong solusyon sa tulong ng reverse engineering. Kabilang na dito ang pagpapakilala sa RH clinic model ng Maguindanao, paghahatid ng mga tableta sa bawat bahay, paghahatid ng condom at mga injectable sa mga komadrona sa bawat bahay, kakayahang magbigay muli ng mga kalakal sa family planning, at paggamit ng SMS, social media, o radyo sa pagbabahagi ng impormasyon o pagbibigay muli ng mga kalakal. Bilang pagtatapos, ipinahayag ni G. Kato na huwag natin iwanan ang sinuman. Kanyang ibinahagi kung paano maaring gawing kaibigan ng mga kababaihan ang mga kalalakihan at iba pa nilang katunggali. Sa kanyang mga salita, "Gagawa tayo ng kilusan, papanatilihin natin ito, at hindi tayo susuko."
Matapos ang round-table na talakayan, ginanap ang open forum kung saan sinagutan ng mga ispiker ang mga tanong na binigay ng mga kalahok:
Para kay Sen. Hontiveros: Paano makakaapekto ang kamakailangang napasang ATL sa sitwasyon ng reproduktibong kalusugan sa Pilipinas?
Minungkahi ni Sen. Risa Hontiverso na ang implementasyon ng Anti-Terrorism Law - na kanyang inilarawan na isang "landscape changing law" - sa gitna ng pandemya ay hindi inaasahan dahil sa COVID-19, ang reproduktibong kalusugan, at ang krisis sa ekonomiya. Kahit na ang implementasyon nito ay hindi ang puno’t dulo ng lahat o “mother of all crisis”, tinawag niya ang naturang batas na parte ng patuloy na krisis sa demokrasya. Dinagdag pa niya na ang implementasyon ng batas ay hahantong sa paghihirap ng mga kababaihan na ma-access ang serbisyong RH. Sa kabila nito, hinihimok niya ang mga nanonood na dapat mas hikayatin nito sila na magtulunganat masiguro na ang access sa reproduktibong kalusugan ay hindi makakaligtaan at ang mga karapatan ng kababaihan ay hindi mawawalan ng kabuluhan.
Ano ang mga plano at inisyatibo ng gobyerno ukol sa pagkakaroon ng sapat na serbisyong pangreproduktibong kalusugan para sa mga kababaihang nasa bilangguan, mga kababaihang maralita, at mga kababaihang naninirahan sa malalayong lugar na mahirap abutin?
Tinukoy ni Sen. Hontiveros ang mga ispesipikong grupo ng kababaihang mas nangangailangan maging prayoridad ng mga programa para sa pangkalusugang reproduktibo. Ilan sa mga ispesipikong grupong ito ang mga babaeng maralita, mga babaeng minor de edad, mga babaeng bilanggo, at mga babaeng naninirahan sa mga malalayong lugar na nakahiwalay sa mga kapital, o ang mga tinatawag na “geographically isolated disadvantaged areas” (GIDA). Aniya, kailangang bigyan ng higit na atensyon ang mga babaeng nasa GIDA sapagkat doble doble ang hirap na kanilang pagdadaanan upang makakuha ng kagamitang pangreproduktibong kalusugan dulot ng layo ng kanilang tinitirhan at hindi pantay na paglalaan. Para naman sa mga babaeng nasa bilangguan, kadalasan silang nakaliligtaan pagdating sa pangreproduktibong kalusugan. Bukod dito, nalalagay rin sila sa panganib na magkaroon ng mga sakit tulad ng COVID-19, tuberculosis, HIV/AIDS, at iba pa dulot ng kawalan ng sapat na espasyo sa mga selda—tulad ng Correctional Institute of Women (CIW). Ani rin ni Sen. Hontiveros, susuriin daw ng gobyerno ang sitwasyon at gagawin nila ang mga kinakailangang hakbang upang matugunan nang maayos ang mga pangkalusugang pangangailangan ng mga kababaihang kabilang sa mga nabanggit na grupo.
Ano ang iyong opinyon ukol sa aborsyon at ano ang iyong maimunungkahi para sa family planning? Hindi ba ito magiging tutol o salungat sa ideolohiyang pro-life?
Ayon kay Sen. Hontiveros, walang dudang tututol ang mga Pilipinong pro-life sa pagpapatupad ng polisiya ukol sa aborsyon. Binanggit niyang mayroon nang mga mamamayang ginustong isama ang aborsyon sa saklaw ng Reproductive Health Bill noon pa man, subalit pagkatapos ng masususing talakayan at debate, napagdesisyunan nilang huwag muna ito isali alay sa direksyong “one battle at a time.” Aniya, isa nang malaking balakid ang pagpapatupad ng RH Bill, kung kaya’t mas lalo itong lalaki kung dadagdagan pa ang saklaw nito. Bukod pa rito, hindi rin siguradong mapaglalaanan ito ng sapat na suportang pinansyal sa taunang badyet ng bansa. Umabot ng isang dekada’t kalahati at isa pang taon sa Korte Suprema bago naaprubahan bilang konstitusyunal ang Bill. Sa kanilang pagtatrabaho, kailangan ding manigurado ng mga reproductive health service providers na hindi ipagbabawal o ipagkakait ng mga LGU ang mga serbisyong pangreproduktibong kalusugan mula sa kanilang mga mamamayan, at na isa ang paghatid ng maayos na serbisyong pangreproduktibong kalusugan sa kanilang mga prayoridad. Dulot ng lahat ng ito, isinantabi muna ang mga karapatang konektado sa aborsyon para sa ibang lehislatibong pagtutuos. Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Sen. Hontiveros na kailangang pag-usapan ang aborsyon sa bansa, sapagkat nakasaad na sa RH Law na nararapat alagaan at pagtuunan ng atensyon ang mga kababaihang nagkaroon ng mga komplikasyong pangkalusugan pagkatapos magpa-abort. Importanteng tugunan ang maternal mortality rate ng bansa sapagkat malaking salik sa tulin nito ang karamihan ng mga ilegal na aborsyong nangyayari. Direktang resulta ang mga ilegal na aborsyong ito ng ‘di lubos at ‘di maayos na pag-implementa ng RH Law. Ani ni Sen. Hontiveros, hindi mahuhulaan ang landas na tatahakin ng debateng ukol sa aborsyon, ngunit hindi ito dahilan para talikuran ito sapagkat kailangan at kailangan pa rin itong pag-usapan at tugunan sa huli.
Ayon naman kay G. Iori Kato, hindi kailanman naging suportado ang UNFPA sa aborsyon. Naniniwala silang isa itong masamang bunga ng kawalan ng sapat at maayos na family planning, edukasyong sekswal, at pagsupil sa sekswal na karahasan. Aniya, sa kabila nito, isang malungkot na realidad pa rin na nasa anim na daang libo (600,000) hanggang pitong daan at limampung libo (750,000) ang bilang ng mga kaso ng aborsyon sa Pilipinas. Aminado raw ang UNFPA na hindi maiiwasan ang aborsyon, kung kaya’t naniniwala si G. Iori Kato na kinakailangan ang post-abortion care sa pisikal at sikolohikal na aspeto para sa mga pumiling pagdaanan ang prosesong ito. Ayon sa mga resulta ng National Demographic and Health Survey 2017, kokonti lamang sa mga Pilipino ang gumagamit ng angkop na metodo ng family planning. Nasa 21% lamang ng mga dalagang kasal na (edad 15-19) ang nagsasagawa ng modernong family planning, habang 19% lamang ng mga dalagang hindi kasal ngunit aktibo sa sekswal na mga gawain ang nagsasagawa ng modernong family planning. Mula rito, mapagtatantong 1 lamang sa bawat 5 na babaeng walang balak mabuntis at magkaanak ang gumagamit ng mga kontraseptibo. Ayon kay G. Iori Kato, kapag nagpatuloy ang ganitong gawain ng mga mamamayan, lalo lamang tataas at lalaki ang mga numero sa mga datos na ito, kung kaya’t nangangailangang gumamit ang lipunan ng iba at bagong estratehiya para tugunan ito.
Paano natin masisigurado na ang mga biktima na nagsasalita laban sa GBV ay protektado kung ang mga pinuno na nasa pambansang antas ay patuloy na pinapaunlad at ipinagdidiwang ang mga pag-uugali na nagpapakita ng pagkapoot sa kababaihan?
Si Senador Risa Hontiveros ay tumugon sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng kanyang karanasan noong araw na ipinatupad ang Safe Spaces Law, o ang Bawal Bastos Law. Habang umaasa si Senador Risa Hontiveros sa pagpapatupad, sa kasamaang palad, kinailangan niyang tumugon sa ilang mga katanungan sa pakikipagtalastasan o media at sinabing “…bagaman sa pinakamataas na antas ng gobyerno ngayon, mayroong isang plataporma na ginagamit bilang isang bully pulpit para sa napaka seksista at misogynistic na mga ideya at wika at pati na rin ang mga pagpayo na umaksyon. Ipinaliliwanag niya kung paano sa ilalim ng konstitusyon, ang nangungupahan ng opisinang iyon ay hindi maaaring managot sa paglabag ng batas, samantalang siya ay isang opisyal, ngunit iba na ang magiging katanungan dito sa sandaling siya ay tumiwalag sa kanyang kapangyarihan at patuloy na kumilos nang ganoon. Kahit sa susunod na dalawang taon, kapag naghahanap tayo ng isang pagpapagana ng kapaligiran para sa ating mga alalahanin, nilalabanan ang sexism at misogyny sa buong lipunan natin, ipinapahayag ni Senador Hontiveros ang kanyang pag-asa at mga sentimyento na sa pamamagitan ng pagpasa ng Batas ng Bawal Bastos, ito ay mag-udyok sa atin na pagsabihan ang mga gumagawa ng hindi katanggap-tanggap na pag-uugali at sa pamamagitan ng batas, ang mga gawain na ito ay parurusahan. Patuloy niyang sinabi na sa mga kolektibong paraan, dapat nating panindigan ang ating paniniwala laban sa mga gawaing ganito, hindi upang makaramdam ng pananakot mula sa anumang bully pulpit at isang batas na kontra terorismo. Nararapat na tayo’y patuloy na kumilos sa mga adbokasyang ito na nagpoprotekta sa mga kababaihang Pilipino kahit na tayo’y na sa ilalim ng COVID-19, mga protina at kundiyson ng kuwarentina, at krisis sa kalusugan at ekonomiya habang inaalala na mahalaga ang pag-iingat sa kaligtasan. Sinabi ni Senador Hontiveros na mababago nito ang kultura ng seksismo at misogyny na nagpapasan ng karahasan at armadong salungatan tulad ng sekswal na karahasan. Sa pag sabi nito, nagtapos siya at ipinarating na kahit anuman ang hindi katanggap-tanggap na wika ang maririnig natin sa susunod na dalawang taon, dapat ang pangunahing pampulitika at panlipunang proyekto natin ang aning mga sarili - ang sambayanang Pilipino.
Inulit ni Ginoong Iori ang sinabi ni Senador Hontiveros sa kung paano ang pagbabago ng kultura ang natatanging paraan upang maiwasan ang karahasan batay sa kasarian (GBV), kung saan ang mga pamantayang panlipunan na tinatanggap at pinapayagan na mangyari ang karahasan ay dapat magbago. Pagkatapos ay nilinaw niya na hindi rapat ito limitado sa pagtigil ng karahasan laban sa kababaihan kung hindi sa lahat ng uri ng karahasan. Bukod dito, iginiit niya na ang karahasan ay hindi rapat gamitin upang maihiwalay ang iba’t ibang mga opinyon o interes, at muling isinaalang-alang na kinakailangang puksain ang kultura ng pagtanggap o pagpapatawad ng mga marahas na kilos. Upang suportahan ang mga puntong nailahad, ipinapanukala niya na dapat magkaroon ng komprehensibong sekswal na edukasyon (CSE) at edukasyon na isinasagawa sa bahay. Kapag isinasagawa na ang mga inisyatibong mga ito, isinabi niya na ang ating mga tungkulin - bilang mga Pilipino ay ang ipahayag ang ating suporta upang magkaroon ng positibong tugon at maiwasan ang kultura ng kalayaan mula sa mga kahihinatnan ng isang aksyon, sa dahilan na hindi lahat ng kababaihan ay komportable na isumbong ang kanilang mga kaso, at may mga pagkakataon kung saan ang mga kasong iyon ay hindi man lang inaakusahan ng isang malubhang krimen, sinesenyasan ang mga kababaihan na sumuko na lang. Nagmungkahi si Ginoong Kato ng isang solusyon: na pataasin ang bilang ng mga kababaihan na kasangkot sa lahat ng mga layer ng lipunan, mga institusyon ng gobyerno, at mga gumagawa ng desisyon tulad ng mga nagpapatupad ng batas, ang militar, at ang pulisya. Ang UN ay nakipagtulungan sa pulisya at mga armadong pwersa upang madagdagan ang bilang ng mga kababaihan na namamahala at isama ang mga kurso ng GBV bilang parte ng kanilang pagsasanay o ensayo sa induksiyon. Itinapos niya ang kanyang presentasyon sa pamamagitan ng pagsasabi na maaari nating gawing layunin ang pagkakaroon ng sero na porsyento ng GBV kapag ang importansya ng partisipasyon ng kababaihan sa pagpaplano, pagpapatupad, at pagsubaybay ay isanasaalang-alang na.
Bago tapusin ang webinar, nais bigyang diin at muling isaalang-alang ni Ginang Samira Gutoc na ang pantay na pag-access sa reproduktibong kalusugan, pati na rin ang pangangalaga sa katawan, ay isang pangangailangan. Pinayuhan niya ang mga tagapakinig na huwag matakot na makipag-usap sa mga pulis at sundalo, sapagkat siya mismo ay kinailangang makipagusap kasama ang mga armadong pwersa na ito, dahil maaari nilang tunay na maapektuhan ang katayuan at sitwasyon sa buhay ng mga taong napilit na tumakas o umalis sa kanilang mga tahanan. Sunod, ang mga namahalang estudyante ay nagbigay ng kabuuan sa open forum na may konklusyon na ang paglaban para sa mga karapatang pangreproduktibong kalusugan, una at pinakamahalaga, ay matagal nang isang mahirap na labanan. Naging mas komplikado lang ang sitwasyon dahil sa kasalukuyang pampulitikang klima.
Bukod dito, dahil isinasaalang-alang na ang mga kababaihan ay patuloy na itutulak pababa at mapipilitang kumapit sa mga mabilisang panghuhusga o mga estereotipo sa lipunan ngayon, ipinahayag ng mga namamahala ang kanilang taos-puso na pasasalamat kay nila Senador Hontiveros at Ginang Gutoc. Walang tigil nilang ipinaglalaban ang mga karapatan ng kababaihan, sa kabila ng malaking hamon na kanilang ikinahaharap - partikular sa mundo ng politika kung saan laganap ang pangingibabaw ng kalalakihan at misogyny. Tiyak na kinilala at pinasalamatan si Ginoong Kato sa pagiging isang pambihirang halimbawa para sa mga kalalakihan sa buong mundo. Napatunayan niya nang husto na ang mga lalaki ay maaari ring maging peminista at tumulong sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng kababaihan.
Sa pagtatapos ng kaganapan, hinihimok ng mga namamahala ang mga tagapakinig na manatiling ligtas sa kanilang mga sariling bahay. Idinagdag nila na ang paglabas sa kanilang mga tahanan ay dapat lamang gawin upang bumili ng mga mahahalagang gamit upang magtulungan sa pagpigil ng pagkalat ng virus. Sa kabilang banda, hinihimok ng mga namamahala ang mga nanonood na tanggihan ang anumang pwedeng takutin sila sa pang-aapi o opresyon, alinsunod sa mga kamakailang mga kaganapan sa mundo. At sa wakas, ninanais nila na ang pakikipaglaban para sa mga karapatan ng kababaihan ay isa sa mga dahilan kung bakit magiging mas mabuting lugar ang ating bansa para sa lahat.
Comments